4 tauhan ng QC jail negatibo na sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 02:03 PM

Negatibo na sa coronavirus disease (COVID-19) ang 4 na tauhan ng Quezon City Jail, ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Kasama ang 4 sa 9 na BJMP personnel at 9 na preso mula Quezon City Jail na naiulat na positibo sa COVID-19 noong Abril 17.

Pero ayon kay BJMP Spokesperson Chief Inspector Xavier Solda, unti-unti nang bumubuti ang lagay ng mga preso at tauhan ng Quezon City Jail.

Ayon kay Solda, nananatili ring naka-isolate ang mga preso sa isang pasilidad sa Payatas, kung saan nakakausap din nila ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng e-dalaw.

Patuloy ring binabantayan ang lagay ng mga taong nakasalamuha ng 9 presong nagpositibo sa COVID-19, na naka-isolate din.

Pinaigting na ang decontamination o paglilinis sa mga kulungan ng BJMP, ayon kay Solda.

Araw-araw din umanong pinapaalala sa mga preso na palaging magsuot ng face mask, maligo, at maghugas ng kamay.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.