4 babae nailigtas sa cybersex den sa Dumaguete

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 02:14 AM

Arestado ang isang 42 anyos na Norwegian at ang kaniyang kinakasamang 22 anyos na babae sa pinaniniwalaang cybersex den na sinalakay ng mga operatiba ng police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Negros Oriental sa Dumaguete City, Miyerkoles ng hapon.

Sa bisa ng search warrant ay nailigtas ng mga operatiba kasama ng mga opisyal ng City Social Welfare and Development Office ang apat na babae, kabilang ang isang 23 anyos, 27 anyos, 36 anyos, pati na din ang isang 4 anyos na batang babae.

Nabawi rin sa inuupahang bahay ng mga suspek ang mga sex toys.

Base sa imbestigayon ng mga awtoridad, mga customer sa abroad ang nagbabayad sa mga suspek kapalit ng malalaswang sex video ng mga babae.

Nilinaw ng mga awtoridad na hindi kasama sa gawaing ito ang menor de edad na anak ng isa sa mga nailigtas na babae.

Nasa pangangalaga na sila ng City Social Welfare And Development Department ng lungsod.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Qualified Trafficking in Persons Act at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.