200 bote ng alak nasabat sa 2 lalaki sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 05:58 AM

Timbog ang dalawang lalaki matapos masabat sa kanila ang 200 bote ng alak sa Sampaloc, Maynila. 

Isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga pulis na may nagpapasok sa Barangay 527 ng mga alak mula sa Makati City.

Isang pulang SUV umano ang nakaparada sa Miguelin Street na may dalang mga kahon ng alak.

Inabutan pa ng mga pulis ang dalawang lalaki na ibinababa mula sa sasakyan ang mga dalang alak.

Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, commander ng Sampaloc Police, pumapakyaw ang mga suspek ng alak sa mga lugar na walang liquor ban at ibinebenta ito sa Maynila sa mas mahal na presyo.

Aminado naman ang dalawang suspek sa pagbebenta ng alak sa kanilang lugar matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Wala rin umano silang natatanggap na ayuda kaya naisipang gawin itong negosyo.

Mahaharap sila sa paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act at ordinansa sa liquor ban sa lungsod ng Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.