2 lalaking nagpuslit ng alak gamit ang health worker pass, arestado sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 12:33 AM

Arestado ang dalawang lalaking nagpuslit ng alak sa kanilang sasakyan gamit ang health worker pass sa Gonzaga, Cagayan.

Dahil sa natanggap na sumbong, pinara ng mga pulis na nagbabantay sa checkpoint ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 sa bayan ng Gonzaga ang isang SUV pasado alas-2 ng hapon nitong Miyerkoles.

Nang usisan ang driver tungkol sa mga kargamento nito ay bigla umanong pinaharurot ang SUV.

Humabol ang mga pulis kung saan nasakote nila ang sasakyan sa Barangay Pateng.

Nadiskubre sa loob nito ang 26 kahon ng mga alak.

Ayon kay Police Maj. Joefferson Gannaban, mahigpit na ipinatutupad sa lalawigan ng Cagayan ang liquor ban na nagbabawal sa pagbebenta at pag-inom na alak para masigurong nasa maayos na pag-iisip ang mga tao habang umiiral ang enhanced community quarantine kontra COVID-19.

“Nakalusot sila dun sa checkpoint from Tuguegarao hanggang dito po sa boundary kasi merong DOH passes na nakalagay dun sa kanilang sasakyan. Siguro akala din po nung mga kasamahan natin na nagche-checkpoint ay mga DOH personnel o nagbibigay ng medical supplies. Actually yun din ang akala natin nung una, dahil yung mga karton is talagang concealed. Pero hindi siguro nila napansin na lumabas yung isang karton ng gin,” ani Gannaban.

Bineberipika na ng awtoridad kung lehitimo ang car pass na inisyu umano ng isang ospital.

Napag-alaman din ng otoridad na ibagbagsak sana sa ilang tindahan sa Gonzaga at Santa Ana ang mga alak na nagkakahalaga umano ng P180 hanggang 200 ang bawat isang maliit na bote.

Arestado ang driver ng SUV at ang kasama nito. Inihahanda na ang patong-patong na reklamo laban sa kanila kabilang ang paglabag sa Republic Act 11332 in relation to Enhanced Community Quarantine, disobedience to person in authority at usurpation of authority.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.