2 lalaki patay sa pagtagilid ng tanker truck sa Negros Oriental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 10:29 PM | Updated as of May 01 2020 10:28 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang dalawang lalaki matapos matumba ang isang tanker truck na may kargang molasses sa Bayawan City, Negros Oriental Miyerkoles.

Binawian ng buhay ang truck helper na si Nick Boy Cadayona, 30 anyos, at ang 19 anyos na si JR Gantalao dahil sa mga natamong sugat sa ulo at katawan.

Sakay sila sa 14-wheeler na tanker na minamaneho ng 37 anyos na kaanak ni Gantalao nang matumba ito sa highway sakop ng Barangay Nangka.

Sa imbestigasyon ng Bayawan City Police, pababa ang truck sa kurbadang bahagi ng daan nang mawalan ng kontrol sa manibela ang drayber.

Ayon sa drayber nagpreno siya, pero hindi na nakontrol ang truck hangga’t sa natumba ito.

Tumilapon malapit sa kanal si Cadayona, habang nadaganan naman ng molasses mula sa trak si Gantalao.

Nakisakay lang sa truck si Gantalao.

Mula ang truck sa central Bayawan at patungo sana sila sa bayan ng Sta. Catalina sa Negros Oriental nang mangyari ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.