Tondo High School, hiniling ang agarang pagpapaayos sa mga bitak sa gusali

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 11:24 AM | Updated as of Apr 30 2019 11:53 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nanawagan ng tulong ang Tondo High School para sa agarang pag-aayos ng mga sira sa kanilang gusali na naapektuhan ng lindol noong nakaraang linggo.

Nababahala ang pamunuan ng paraalan sa posibleng kahihinatnan ng kanilang mga estudyante at ng kanilang eskuwelahan na nakatayo sa isang reclaimed area.

Ayon kay Principal Sonny Valenzuela, 1979 pa nang maitayo ang kanilang gusali o halos 4 na dekada na at naglabasan na ngayon ang mga bitak kasunod na rin ng malakas na magnitude 6.1 na lindol kamakailan.

"Ito po ay since 1979. Sa mga buildings, pag umabot ng 50 years condemned na po ‘yan. Nasa reclaimed area pa po tayo,” sabi ni Valenzuela. 

Sa Hunyo 3 ang inaasahang opening ng klase para sa 6,000 estudyante ng Tondo High School na posibleng kakailanganin na magsiksikan muna sa ibang classroom na walang bitak para maiwasan ang posibleng disgrasya.

Nauna nang ininspeksiyon ng Department of Public Works and Highways ang eskuwelahan na kinakitaan ng napakaraming bitak sa pader at kisame.

May mga parte ng gusali na wala na rin sa alignment gaya sa bawat palapag ng mga hagdan ng Tondo High na posibleng magdulot pa ng disgrasya kung di maaagapan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.