Pulis arestado sa pagnanakaw sa kapwa pulis sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 03:54 PM

Naaresto nitong umaga ng Martes ang isang pulis matapos umanong maaktuhang nagnanakaw sa kapuwa pulis sa Davao City.

Alas-8:30 ng umaga nang pasukin ng suspek na may ranggong corporal ang female barracks ng Regional Training Center 11, ayon sa paunang imbestigasyon.

Sinamantala ng suspek na may okasyon sa training center at pumasok sa barracks pero bumalik at nahuli siya ng biktima at mga kasamahan nito, ayon kay Police Major Ricky Obenza.

Nasa P5,000 cash ang kinuha umano ng pulis sa biktima na may ranggong patrolwoman.

Bukod sa pera ng patrolwoman, nakuha rin sa pulis ang perang nagkakahalagang P6,000, na pinaniniwalaan umanong galing din sa nakaw.

Patuloy na inaalam kung sino pa sa mga trainee ang nawalan ng pera at gamit.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa kasong theft.

--Ulat ni Cheche Diabordo ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.