P800-M pinagtatalunan ng martial law victims at gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa obra ng kilalang maestro na si Claude Monet ang tinawag niyang "Water Lily Pond" noong 1899.

Noong 2010, ibinenta ito ni Vilma Bautista, na naging sekretarya ni Imelda Marcos noong martial law sa London, sa halagang $32 milyon.

Pero nasabat ito ng mga awtoridad at sinentensiyahan si Bautista na makulong dahil sa ilegal umanong pagbenta nito.

Ang naturang obra ay isa lang sa multi-million dollar na halaga ng paintings na umano ay bahagi ng tagong yaman ng mga Marcos.

Pero hindi lahat ng ito ay mapupunta sa mga biktima ng martial law.

Sa katunayan, gusto ni Solicitor General Jose Calida na mapunta lahat sa gobyerno ang $13.75 milyon o higit P800 milyon na pinagbilhan ng painting.

Tinutulan ng mga biktima ng martial law ang hirit ni Calida.

"Ang ine-expect mo sa gobyerno mo, siya pa ang tutulong sa iyo, dahil mga biktima kayo, para ipaglaban ang inyong karapatan," anang martial law victim na si Neri Colmenares.

"Ngayon baligtad, doon pa sa mga Marcoses nagsa-side and at the same time, nilalabanan pa ang dapat mapunta sa human rights victims," dagdag niya.

Hindi rin magkasundo ang mga biktima ng martial law sa halagang sinasabing mapupunta sa abogadong si Robert Swift na kumatawan sa kanila sa korte sa Amerika.

"Napakalaki naman ng share ng lawyer dito. Human rights case ito, hindi naman ito commercial transaction," ani Colmenares.

"Kung hindi kikilos si Swift, hindi kikilos ang kaso, siya ang talagang nagtiyaga," ani Etta Rosales, dating chairperson ng Commission on Human Rights, at isa ring martial law victim.

Tinatayang 6,500 ang mabibiyaan sa $13.75 milyon na bahagi ng tagong yaman umano ng mga Marcos. Makatatanggap sila ng $1,500 bawat isa.

Pero ayon kay Colmenares, kailangang suriin mabuti ang listahan ng mga biktima ng martial law.

Nakatakdang ipatupad nina Swift at Rod Domingo ang utos ng mga korte sa Amerika na pamamahagi ng danyos sa mga human rights victims.

Bahagi lang ito ng may ilang bilyong dolyar na sinasabing nakaw na yaman ng mga Marcos na tinutugis pa rin hanggang ngayon.

--Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.