'Labanan ng PDP, Hugpong sa halalan may epekto sa election survey'

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 09:05 PM | Updated as of Apr 30 2019 11:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tingin ng isang political analyst, may epekto ang pagkakaroon ng dalawang partido na kaalyado ng pangulo sa antas ngayon ng ibang mga kandidato sa mga election surveys. 

Ito ay kasunod ng pag-angat ng ilang administration bets sa resulta ng Pulse Asia survey na inilabas ngayong Martes. 

Ayon kay Ranjit Rye ng University of the Philippines (UP), ito raw ay maaaring resulta ng matinding kompetisyon sa pagitan ng Hugpong ng Pagbabago at ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) - na parehong sinusuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

May epekto rin aniya ang pagkakaroon ng dalawang presidential backed parties sa mga miyembro ng oposisyon. 

"It's the two administration parties competing so viciously against each other now competitively they're crowding out everyone," pahayag ni Rye. 

Ayon pa kay Rye may epekto ang pagdadala ng mga national bets sa pangangampanya ng mga local bets. 

"Malaking factor din 'yung local politics kampaniya sa lokal. May mga dalang kandidato lahat 'yan. Nag-improve 'yung iba, 'yung iba nag-slip dahil walang nagdadala sa kanila sa local," ani Rye. 

Base sa resulta, tumabla sa unang puwesto ang reelectionist at kandidato ng Hugpong na si Cynthia Villar kay Grace Poe na tumatakbo bilang independent candidate. 

Samantala, nalaglag sa "winning circle" ang opposition bet na si Mar Roxas, at ang administration bet na si Francis Tolentino. Laglag din sina Serge Osmeña at Juan Ponce Enrile. 

Si Bam Aquino lang ang opposition bet sa ngayon sa "winners circle" ng survey. 

Solo na nanguna sa nakaraaang survey si Poe, habang pasok noon sina Tolentino at Roxas sa winner's circle. 

Ayon sa Pulse Asia, gumamit sila ng balota na gaya ng gagamitin sa aktuwal na halalan kaya bumaba ang voter preference ng lahat ng kandidato. 

"Mga 10 percent noong sample na walang binotong senador or na-disqualify 'yung vote, na-invalid 'yung vote kaya bumaba ngayon 'yung bilang ng voter preference ng bumoboto sa kandidato," ani Pulse Asia Director Dr. Ana Maria Tabunda. 

Kumaunti rin aniya ang balak na ibobotong senador sa ilang lugar. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, malaking bagay ang ma-endorso ng pangulo sa mga survey. 

"Ibig sabihin 'yung mga tao naniniwala sa Presidente. Naniniwala siya na ang mga tao, na 'yung mga ang in-endorse niya (Pangulong Rodrigo Duterte), kailangan ni Presidente 'yon para tumulong sa kaniya," aniya. 

Plano ng Pulse Asia na magpalabas pa ng isa pang survey bago mag-eleksiyon sa Mayo 13. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.