Hinihinalang tulak patay sa Zamboanga buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 04:23 PM

Napatay umaga ng Martes ang isang hinihinalang tulak sa buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Kasanyangan, Zamboanga City. 

Ayon kay Police Maj. Elmer Solon, biglang tumakbo patakas ang suspek nang matunugang pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Hinabol ng mga pulis ang suspek na nagpaputok ng baril, dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na siyang ikinasawi ng suspek, ani Solon.

Isang kalibre .38 revolver at 7 pakete ng drogang may halagang higit P63,000 ang nakuha sa suspek.

Ayon kay Police Col. Thomas Joseph Martir, direktor ng Zamboanga City Police Office, itinuro ng isang naarestong drug user ang suspek na pinagkukuhanan umano niya ng suplay ng droga.

Matagal na rin umanong binabantayan ng mga awtoridad ang aktibidad ng nasawing suspek.

Apat na beses nang nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis laban sa suspek pero lagi raw itong nakakatakas.

Mariin namang itinanggi ng mga kaanak ng suspek na nagbebenta ito ng droga. --Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.