Gusali ng isang paaralan sa Bukidnon, nasunog

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 08:18 PM | Updated as of Apr 30 2019 10:51 PM

Nasunog ang administrative building ng Bukidnon National School of Home Industries sa bayan ng Maramag Martes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa supply office kung saan nagwe-welding ang maintenance officer ng paaralan na si Nolie Paluga.

"Nasa itaas kasi ako nagwe-welding at nagulat na lang ako nang nagliyab na ng malakas ang apoy. Hindi ko alam kung ano ang sanhi nito kaya tumalon ako para patayin ang main switch," ani Paluga.

Duda ni Municipal Fire Marshal SFO2 Romeo Sereña na posibleng nag-overload ang suplay ng kuryente nang makita na nasunog ang ginamit na kable para makikabit sa suplay ng kuryente sa kabilang building.

"Dapat kasi kumuha sila ng certification mula sa BFP (Bureau of Fire Protection) na magco-conduct sila ng pagwe-welding para mainspeksyon namin at maalis ang mga hazard. Kailangan talaga sila magkaroon ng ibang outlet para sa welding," aniya.

Kabilang sa natupok ng apoy ang records section, auditor's office, bookkeeping at disbursing office, habang damaged naman ang principal's office kung saan naisalba ang ibang gamit at mga dokumento.

Tinatayang umabot sa higit P1 milyon ang halaga ng danyos sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.