Dugong, nakulong sa baklad sa Palawan

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 10:31 PM

ROXAS, Palawan - Nakulong sa loob ng baklad ang isang dugong nang makita ng ilang residente sa Barangay Tumarbong, Roxas, Palawan nitong Lunes.

Agad na inireport sa mga opisyal ng barangay at fisheries technician ang insidente. Pinayuhan ang mga residente na pakawalan ang dugong.

Video courtesy of Katrina Sabando

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), tinatawag na stranding o beaching ang ganitong insidente.

Nangyayari ito kapag na-disorient ang marine mammals gaya ng dugong, whales, at dolphins.

"Kasi yun yung sinusundan nila, or naka-ingest sila ng plastic, o nasugatan sila. Nawawalan sila ng direksyon. Once na ma-disorient or manghina si balyena, ang tendency niya is madadala siya ng current. So, lahat ng current, lahat ng alon ang end point niyan ay beach, yung pinaka-shallow waters or beach," paliwanag ni Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Ilan sa mga dahilan ng stranding ang mga injury o harassment dahil sa mga gawain ng tao, kung saan maaaring sumabit sa mga gamit pangisda, nakakain ng plastic, nabaril, natamaan ng bangka o kaya nakagat ng pating at iba pang hayop sa dagat.

Malaki umano ang magagawa ng tao para maiwasan ang pagka-stranded ng mga hayop.

"Dapat may mga tamang regulasyon yung bawat munisipyo kung saan lang dapat maglagay ng baklad ang kanilang mga mangingisda at siguro dapat mayroon din tayong ordinansa na mayroon tayong carrying capacity study na kung saan made-determine natin kung ilan lang dapat ang baklad na ilalagay," ani Fabello.

Payo din ng awtoridad, mainam na agad ipaalam sa kanila kung may mga buhay-ilang na nakulong o nangangailangan ng tulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.