Dating OFW, patay sa pamamaril sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 11:52 PM

BADOC, Ilocos Norte - Patay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Mabusag Norte sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Fresnel Aganon, 36-anyos, at dating overseas Filipino worker (OFW).

Kwento ng kanyang ina na si Soledad Aganon, papasok na sana galing sa isang programa na bahagi ng kapistahan ng kanilang barangay ang kaniyang anak ng pagbabarilin ito ng mga hindi pa nakikilang mga lalaki.

Una siyang nakarinig ng dalawang putok ng baril hanggang sa nakitang nagpapasaklolo at duguan ang anak sa harap ng kanilang bahay.

Sabi pa ng ina, bago maitakbo sa ospital ang anak, nasabi daw nito na naka-sumbrero ang dalawang lalaking bumaril sa kanya.

Ang ipinagtataka ng ina ay hindi sinagot ng anak nang tanungin niya kung kilala niya ang mga suspek.

"Kilala mo sila sabi ko, ayaw naman niyang sabihin sa akin," ani Soledad.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan ang biktima.

Hiwalay na ang biktima sa kaniyang asawa. Ang umano’y pakikipagrelasyon niya sa iba-ibang babae ang pangunahing pinag-aaralang motibo sa krimen.

"Maraming siyang illicit love affair," ani Police Captain Joseph Tayaban, hepe ng Badoc, Police Station.

Ayon sa kaniyang ina, wala namang banta o kaaway na ikinukwento ang kaniyang anak pero alam niyang maraming tumatawag na babae sa kaniyang anak at maaring itong pakikipagrelasyon niya sa iba-ibang babae ang ugat ng pagpatay sa kaniyang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.