Blogger sa Iligan City, hinuli dahil sa kasong cyberlibel

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 06:09 PM | Updated as of Apr 30 2019 06:35 PM

ILIGAN CITY—Inaresto ng mga pulis ang isang blogger dahil sa reklamong cyberlibel.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 5 noong Enero 2017, inaresto ng pulisya si Juanito Enriquez Jr., isang blogger at block-time commentator.

Inireklamo ni Mayor Rommel Arnado ng bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte, si Enriquez dahil sa umano'y paninira nito sa kaniya. Noong 2014, nagsulat umano si Enriquez sa kaniyang blog na tinorture ng alkalde ang isang suspek sa pagnanakaw.

Aminado ang blogger na bigo rin siyang kunin ang panig ni Arnado. Humingi na rin ito ng paumanhin sa alkalde.

Ayon sa abogado ni Arnado na si Atty. Warren Lim, naipaabot na niya kay Arnado ang paghingi ng paumanhin ni Enriquez. Nais rin umanong makita ng alkalde si Enriquez pagbalik nito mula sa biyahe.

Pansamantalang nasa presinto si Enriquez habang hinihintay ang arraignment ng kaniyang kaso at makapagpiyansa.

Nanawagan naman si Enriquez na huwag nang gawing kasong kriminal ang libel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.