Makalipas ang 5 taon, suspek sa pagpatay sa sariling ama, nahuli sa Abu Dhabi

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2018 10:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natunton sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) ang isang lalaking wanted sa pagpatay umano sa kaniyang ama, limang taon makalipas ang insidente.

Iniuwi sa bansa nitong Linggo ang suspek na si Nelson Antonio, na itinimbre ng isang concerned citizen mula Abu Dhabi na nakakilala sa kaniya matapos mapanood ang kaniyang kuwento sa programang "SOCO" ng ABS-CBN.

Naiparating sa Philippine National Police (PNP) ang kinaroroonan ni Antonio, na nauwi sa kaniyang pagkakaaresto noong Pebrero sa tulong ng mga law enforcer sa UAE.

Setyembre 2013 nang maakusahan si Antonio sa pagpatay ng kaniyang ama matapos silang magtalo nang madiskubre ng ama ang umano'y pagnanakaw ng anak.

Binaril umano ni Antonio ang ama ng anim na beses matapos bantaan ng ama na tatanggalan ng mana ang anak.

Pero napakawalan si Nelson nang ma-technical dahil sa jurisdiction ng kaso. Sa Las Piñas sumuko ang suspek bagaman sa Parañaque nangyari ang krimen.

Disyembre 2013 nang magtungo si Antonio sa Singapore at hindi na bumalik ng bansa mula noon.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.