'Karamihan sa alok na trabaho, di angkop sa mga uuwing OFW'

Gigi Grande, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2018 10:47 PM | Updated as of Apr 30 2018 11:14 PM

Inaasahang magkakaroon ng kalahating milyong mga bagong trabaho sa katapusan ng taon dahil sa "Build, Build, Build" program ng gobyerno, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa kabila nito, tingin ng NEDA, hindi lahat ng mga bagong trabaho ay aangkop sa karamihan ng mga uuwing overseas Filipino worker (OFW), partikular na ang mga household service worker (HSW) mula sa Kuwait.

"The workers in Kuwait are mostly domestic helpers, I think. So we're talking about different types of workers here," ani Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Ayon kay Pernia, trabaho para sa mga construction worker, electrician, karpintero, at iba pang skilled workers ang magsisilabasan sa programang pang-impraestruktura ng gobyerno.

Dati pa ibinibida ng gobyerno ang mga trabahong malilikha ng "Build, Build, Build" program para sa mga uuwing OFW. 

Nasa 30,000 OFW ang tinatayang babalik sa bansa ngayong taon, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Bunsod ito ng mga bagong polisiya sa paggawa sa Saudi Arabia, Oman, at Qatar kung saan prayoridad nang mabigyan ng trabaho ang kanilang mga mamamayan sa halip na mga banyagang manggagawa.  

Dagdag pa riyan ang amnesty program sa Kuwait.

Inaasahang lolobo pa ang bilang ng magsisibalikang Pinoy matapos manawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW sa Kuwait na umuwi na.

Hinimok ni Duterte ang mga manggagawang Pinoy sa Kuwait na umuwi sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa bunsod ng kontrobersiyal na pagsaklolo sa mga Filipino domestic worker ng mga tauhan ng embahada. 

Ayon sa Department of Foreign Affairs, 252,000 ang bilang ng OFW sa Kuwait.

Nasa 67 porsiyento nito o 170,000 ang mga HSW.

Nasa 5,962 OFW naman mula Kuwait ang umuwi ng bansa nitong taon mula Pebrero 2 hanggang Abril 17, ayon sa OWWA.

PAGSASANAY SA OFW 

Ayon naman sa Philippine Statistics Authority, mula Enero 2015 hanggang Hunyo 2016, may mga job opening sa bansa para sa laborers and unskilled workers at craft workers.

Pero ang karamihan sa mga trabaho ay para sa service at shop sales workers, clerks, professionals, at associate professionals. 

Dati nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na balak nilang bigyan ng pagkakataong matuto ng mga bagong kakayahan ang mga babalik na OFW sa pamamagitan ng mga libreng pagsasanay sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Pero ayon sa migrant rights advocate na si Susan Ople, hindi madaling turuan ng bagong kasanayan ang mga babalik na OFW.

"'Yong iba sa kanila may trauma, 'yong iba sa kanila ang iniisip nilang, 'Paano ako makakaalis ulit?'" ani Ople.

"Marami kasi sa kanilang mga nakabalik, ang immediate concern nila [is] how to make up for the lost in income. So, 'yong iba niyan isipin nila, magte-train ako, ilang buwan 'yan? Gaano katagal nakatengga?" paliwanag ni Ople.

Ayon pa kay Ople, kakailanganin ng gobyerno ang tulong ng pribadong sektor at mga non-government organization para mapangalagaan ang libo-libong babalik na OFW.

Bukod sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, dapat din daw maayos na ang gusot sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.