Ilan sa 'narco-list,' pumalag, dumipensang nanguna vs drugs

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2018 11:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinalag ng ilang napabilang sa tinaguriang "narco-list" na may kinalaman sila sa ilegal na droga.

Nitong Lunes, inilantad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang narco-list na naglalaman ng mga pangalan ng 90 barangay captains at 117 mga barangay kagawad.

Isa si Kapitan Marcelino Ortega ng Barangay 199 sa Tondo, Maynila sa siyam na chairman sa Metro Manila na napasama sa narco-list.

Tanong niya, paano siya nasama sa listahan gayong siya pa nga ang nagpa-surrender sa mga drug addict at pusher sa kanilang lugar.

Kabi-kabilang kaso rin aniya ang kanyang pinupuntahan para mapakulong ang mga matitigas na pusher sa kanilang barangay.

"Wala pong katotohanan... Dito sa atin pagdating ng eleksiyon, maraming kung ano'ng ikasisira mo, 'yon ang ibabato sa 'yo ng mga kalaban mo," ani Ortega. 

Humarap din ang isa naman sa mga kinasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil hindi umano in-activate ang kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Ipinakita pa ni Chairwoman Ruby Perez ng Barangay 471 sa Sampaloc ang dokumentong magpapatunay na noong isang taon pa nila in-activate ang kanilang BADAC.

Ipina-drug test din niya ang lahat ng mga opisyal at barangay tanod pati mga tricycle driver sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Perez, kasama sila sa mga ikinokonsiderang gawing model barangay na "drug-free."

"We were one of the first barangays who complied... last year we were being considered as a model barangay na drug-free," ani Perez.

Nanguna sa may pinakamaraming pangalan sa narco-list ang mga opisyal ng barangay sa Region 5 o Bicol.

Sa 207 na pangalan ng barangay officials, 70 ang mula sa Bicol.

Giit naman ng DILG Bicol, limang pangalan ang hindi na dapat nasa listahan kabilang ang dalawang nakakulong na.

Mayroon din daw na mali ang spelling ng pangalan kaya patuloy ang kanilang isinasagawang validation sa mga nasa listahan.

Sa mga nasa listahan, 22 ang hindi na tatakbo ngayong eleksiyon, pero nasa 40 ang nag-file ng kanilang certificate of candidacy.

Pinayuhan ng DILG ang mga botante na huwag nang iboto ang mga kagawad at kapitan na nasa kanilang narco-list.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pangalawa sa may pinakamaraming isinasangkot na opisyal ng barangay ang Cordillera Administrative Region na may 34 na pangalan sa tala.

Pumapangatlo ang ARMM na may 13.

Pang-apat naman ang National Capital Region na may 11.

Pasok sa listahan ang isang kagawad sa Quezon City, limang chairman at dalawang kagawad sa Maynila, dalawang chairman sa Malabon, at tig-isang chairman sa Caloocan at Mandaluyong.

Wala naman sa listahan ang Region 2, gayundin ang Bohol at Bulacan.

Ayon naman kay PDEA Director General Aaron Aquino, may hawak pa silang halos 300 na pangalan sa kanilang "watch list" at posibleng isapubliko rin sa oras na ma-validate o maberipika.

"When we say validation... that's a confirmation that indeed these barangay officials are involved in illegal drugs, pero it doesn't mean andoon na lahat ng ebidensiya... huwag kayo sumaya, baka nandoon kayo sa 274," ani Aquino.

Tutulong naman ang Philippine National Police (PNP) sakaling kailanganing imbestigahan ang mga opisyal ng barangay na nasa narco-list.

"If these local barangay officials need to be investigated, then we will cooperate, kung hindi nila maimbestigahan lahat, we can initiate the investigation," ani PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Ikinadismaya naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagsasapubliko ng listahan ng PDEA.

Paliwanag ng CHR, mas mabuti kung sinampahan na muna ng kaso ang mga opisyal para mabigyan sila ng pagkakataon na maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga paratang.

"Mas naging mainam sana kung sinampahan muna ng kaso itong allegedly mga nasasangkot para naman nabigyan sila pagkakataon para dumepensa sa kanilang mga paratang," ani Atty. Jacqueline De Guia, CHR spokesperson.

"Kung ma-file-an ako ng kaso, so be it. And I expected that. My legal team will deal with it," ani Aquino.

Ayon naman sa DILG, Comelec na ang bahala kung may magsasampa ng disqualification case laban sa mga kumandidatong nasa listahan.

Sa isang text statement, sinabi ng national president ng Liga ng mga Barangay na handa silang tumulong sa case build-up.

"Basically, since the names are out, puwede na namin sabihan mga chapter presidents to gather all evidence and info on the subject, para malaman kung ano totoo. This way, since may case build up pa, we can help ferret out the truth. Kailangan lang masampahan na agad ng case ang mga verified to be involved," pahayag ni Atty. Edmund Abesamis, presidente ng Liga ng mga Barangay.

Kinasuhan na rin ng DILG sa Ombudsman ang limang barangay captain sa Maynila na hindi nag-organisa ng kanilang BADAC.

-- Ulat nina Angel Movido, Ron Gagalac, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.