Iba't ibang grupo, sanib-puwersa sa Labor Day protest

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2018 09:41 PM

• 'Unang beses na magsasama-sama ang mga grupo sa pagmamartsa'
• EO vs 'endo' maaaring pirmahan pa rin ng Pangulo
• Libreng sakay handog sa mga pasahero ng MRT

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakahanda na ang iba't ibang grupo para sa kanilang malawakang protesta sa Mayo 1, Araw ng Paggawa o Labor Day.

Bukod sa mga grupong nakabase sa Kamaynilaan, handa rin daw sumama ang iba pang pangkat mula sa Naga at Cagayan De Oro.

Ayon sa mga miyembro, ito ang unang pagkakataong sabay-sabay na mananawagan ang mga grupo hinggil sa iba't ibang isyu sa Labor Day.

Nagsagawa na ng programa ang Kadamay sa tapat ng National Housing Authority (NHA) bago ang kanilang martsa sa Mayo 1.

Maging ang transport group na Piston ay makikiisa sa protesta.

"Ang mga driver at operator ay kasama ng mga manggagagawa na sisingilin ang hari ng disemployment na si Presidente Duterte," ani George San Mateo, presidente ng Piston.

Gumawa naman ang Anakbayan ng effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na binansagan nilang "the liar king."

Hindi rin nagpahuli ang Kilusang Mayo Una (KMU) sa isang "monster" effigy ni Duterte. 

Ayon sa mga grupo, simbolo ito ng mga nabigong pangako ng Pangulo noong panahon pa lang ng kampanya, lalo na ang pagwawakas sa contractualization o ang 'endo.'

"Drinibol-dribble ng gobyerno ang pag-uusap sa loob ng lampas dalawang taon at pagkatapos ay sasabihin na lang nilang wala nang pag-uusap at wala na ring EO (executive order)," ani Elmer Labog, chairman ng KMU. 

"Maliwanag sa pahayag ng Pangulo ang pagmamahal niya't pagsasaalang-alang niya sa mga dayuhang kapitalista," ani Einstein Recede, national secretary general ng Anakbayan.

May iba pa ring isyu sa paggawa na nais ng mga grupong matugunan ni Duterte.

"Itaas ang kanilang [manggagawa] sahod, hindi P512 sa isang araw at 'yon pong panawagan namin na lupa, sahod, trabaho, benepisyo, edukasyon ay napakahalaga," sabi ni Danilo Ramos, national chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), hindi nila pipigilan ang mga grupo sa isasagawa nilang pagkilos basta lang hindi sila magdudulot ng panganib sa kapwa tao.

"Hayaan natin silang sumigaw hanggang maubos ang boses nila. Hayaan natin magmura hanggang gusto nila, magmura sila nang magmura. Pero huwag silang manakit ng tao," ani PNP chief Director General Oscar Albayalde.

EO vs 'ENDO'

Maaari namang pumirma pa rin sa isang EO kontra endo o end of contract si Duterte, ayon sa Palasyo nitong Lunes.

Sabi ni presidential spokesperson Harry Roque, maaaring isapinal ng Pangulo ang kaniyang desisyon ukol sa endo matapos ang kanilang pulong Lunes ng gabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

“I can confirm there might be an EO that may or may not be signed depending on their meeting tonight,” ani Roque sa isang press briefing.

Endo ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho nang sa gayo'y hindi sila maging regular at magkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa gaya ng health care.

Halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang sabihin ng Malacañang na wala sa iskedyul ng pangulo ang pagpirma sa EO kahit pa sinabi ng isang labor group na nakatakda ito noong Abril 16.

Nauna na ring sinabi ng Palasyo na dapat manggaling sa Kongreso ang pagpapasa ng panukalang batas na magwawakas sa endo.

Sinabi rin ng isang kongresista kamakailan na aalis na sa gabinete si Bello dahil sa hindi pagkakapirma sa EO kontra endo.

LIBRENG SAKAY, HOLIDAY PAY

Magkakaroon naman ng libreng sakay para sa mga manggagawa ang pamunuan ng MRT-3 sa Labor Day.

Magsisimula ang libreng sakay simula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga, at mauulit muli simula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Kailangan lang magpakita ng ID sa trabaho ng manggagawang pasahero.

Batay naman sa patakaran ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pasuweldo para sa mga papasok ng holiday, double pay dapat ang lahat ng papasok sa Mayo 1.

Kapag naman mag-o-overtime, may dagdag dapat na 30 porsiyento sa kanilang hourly rate. 

Samantala, buo pa rin dapat ang suweldo ng mga hindi papasok.

-- Ulat nina Jasmin Romero, Abner Mercado, Raffy Santos, Joyce Balancio, Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.