PatrolPH

Ilang OFWs sa Sudan nanawagan sa gobyerno na madaliin ang paglilikas

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2023 01:59 PM

Muling nanawagan sa gobyerno ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Sudan upang matulungan silang agad makalikas lalo na’t patuloy ang giyera sa lugar.

Nakasentro ang bakbakan sa pagitan Sudanese army at paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF) sa Khartoum, Sudan.

Ito’y bunsod nang pag-aagawan sa kapangyarihan. 

Ayon sa sugar worker na si Joemar Calacat, kahit na anim na oras ang layo nila sa Khartoum, lubos ang kanilang pangamba at nais na rin makaalis ng Sudan.

"Inaalala rin po kasi namin sakali na lumala ay baka umabot din po rito. Kasi pag lumalala po magihirapan na rin kami makalikas dito," dagdag ni Calacat.

Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), 340 Filipinos na ang nakatawid na sa Egypt.

Tiniyak naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na puspusan na ang kanilang ginagawang aksyon upang matiyak na ligtas ang mga Pilipino sa Sudan.

Ang unang 50 Pinoy na nakalabas ng Sudan ay inaasahang ibibiyahe na sa Cairo, Egypt upang ayusin ang kanilang repatriation o pag-uwi sa bansa.

Sila ang unang batch na posibleng makabalik sa bansa.

"We are now exploring a possibility of a chartered flight to bring the 340 Filipinos home and certain arrangements have to be made," dagdag ni Ople.

Sa monitoring ng DMW, may mga Pilipino rin ang lumilikas mula sa Port of Sudan palabas ng Jeddah sa Saudi Arabia.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.