PatrolPH

Rollback sa petrolyo, LPG asahan sa pagpasok ng Mayo

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2022 04:10 PM

MAYNILA - May namumurong rollback sa petrolyo at liquefied petroleum gas sa susunod na linggo, ayon sa mga taga-industriya. 

Sa unang 4 na araw ng linggo, nasa P1.20 na ang ibinaba sa presyo ng kada litro ng imported na gasolina. 

Nasa mahigit P1.80 naman ang ibinaba ng kada litro ng diesel at kerosene. 

Paliwanag ng Department of Energy, ito ay dahil sa pagdami ng COVID-19 cases at lockdown sa China, na siyang pinakamalaking konsumer ng krudo. 

Nagbalik din ang produksyon sa Libya at naglabas ng strategic reserve ang Estados Unidos, dagdag ni Energy Assistant Director Rodela Romero. 

Pumapalo na sa hanggang P88 ang litro ng gasolina sa Metro Manla at hanggang P82 naman sa diesel. 

"Nagkataon lang wala naman tayong magagawa sa preyuhan ng merkado, marami rin naman kasing factors," ani Romero. 

May inaasahan ding rollback sa LPG sa May 1 na maglalaro sa P5 hanggang P6 kada kilong bawas-presyo. Bukod kasi sa sobrang taas na ng contract price ng LPG sa international market, humina na rin ang demand ng China, ayon sa DOE. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.