PatrolPH

Barangay chairman na nanonood ng basketball sa Abra binaril

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2022 02:54 AM | Updated as of Apr 29 2022 12:25 PM

Patay sa pamamaril ang isang barangay chairman sa bayan ng Bangued, Abra Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ronnie Bringas, 45, chairman ng Barangay Angad sa nasabing bayan. 

Ayon sa public information officer ng Abra Police Provincial Office na si Police Capt. Edwin Sergio, nanonood ng basketball sa covered court sa kanilang barangay ang biktima nang bigla itong nilapitan ng suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero, at itim na tube mask.

Binaril ang kapitan sa likurang bahagi ng ulo, na nagdulot ng agarang pagkamatay ng biktima.

Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang suspek gamit ang kaniyang motorsiklo pero hinabol siya ng mga residente. Dahil dito, natumba at iniwan niya ang motorsiklo at tumakbo papalayo. 

Nanutok umano ng baril ang suspek sa mga residenteng humabol sa kaniya.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng suspek, at ang motibo sa krimen.

Nasa ikalawang termino na ang biktima bilang punong barangay ng Angad.

TANOD SA ALBAY PATAY

Sa Legazpi City, Albay, idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang 42-anyos na barangay tanod matapos magtamo ng saksak sa tiyan, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Allan Castro ng Barangay Baño, habang ang suspek umano'y isang 38-anyos na eco-aide ng parehong barangay.

Sa CCTV footage ng barangay, makikita ang suspek na bigla na lang sinugod si Castro habang palabas ito sa isang tindahan.

Matagal na alitan o hindi pagkakaintindihan ang tinitingnang motibo sa krimen.

Pinaghahanap ang tumakas na suspek na nahaharap sa kasong murder. –Ulat ni Grace Alba at Karren Canon

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.