PatrolPH

Vendor na pinagpapalo ng awtoridad sa QC nanindigang walang ginawang masama

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:23 PM

MAYNILA - Nanindigan ang 38 anyos na fish vendor na hinataw umano ng Task Force Disiplina sa Quezon City na wala siyang ginawang paglabag sa qurantine. 

Sinita ang 38 anyos na si Michael Rubuia habang nagbebenta sa tapat ng isang condominium sa Panay Ave. sa paglabag umano sa quarantine protocols gaya ng kawalan ng quarantine pass at face mask, ayon sa Task Force. 

Pero giit nila na dinuro umano sila ni Rubuia, dahilan para hatawin ng yantok at buhatin sa loob ng police vehicle. Kumalat din ang hiwa-hiwalay na video ng insidente, na kinondena ng nag-upload at pati na rin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City. 

Nanindigan si Rubuia na naka-face mask siya, taliwas sa pahayag ng mga awtoridad. 

"Bigla silang lumapit, ang sabi, bawal magtinda ng isda. Kukunin namin to, kukumpiskahin namin. Sabi ko, bakit mo kukumpiskahin, eh di naman sakin yan. Sabi ko, di puwede! Marami na sila dumating, barangay, kasama na oplan na sinabi nila. Pinagpapalo ako kung saan-saan," ani Rubuia. 

Sa video, nanindigan din si Rubuia na wala siyang ginawang mali. At nagmamakaawa pa sa sobrang sakit ng hataw sa kaniya. 

"Sumagot lang ako na di ako sasama sa inyo. Bakit ako sasama sa inyo, wala naman ako ginagawang masama?" ani Rubuia. 

Taga-Novaliches si Rubuia, at walang pinagkakakitaan kaya naging palaboy at inabutan ng lockdown sa barangay South Triangle. 

Dahil madalas ding nakatambay sa lugar, kinuha siya ng isang fish dealer bilang katulong sa pagtitinda ng isda. 

Giit ng isa sa mga nakasaksi na si alyas "Sally", tahimik naman si Rubuia. Kinondena niya rin ang nangyari. 

"Maayos naman sya nagtitinda ng isda, maayos kausap," ani Sally. 

"Sana naman kahit may kasalanan yung tao hindi nila pinalo ng pinalo. Kahit saang anggulo tingnan, mali ginawa nilang pamamalo kay kuya," ani Sally. 

Ayon sa ilang residente, wala naman silang reklamo sa pagtitinda ni Michael dito sa Panay Avenue. Sabi nila, Nakatutulong pa nga siya na makabili ng isda ang mga tao ditong hindi nakakapunta sa palengke ngayon.

Lumabas sa inquest ng pulisya na nagpositibo sa droga si Rubuia.

Iginiit din ng pulis na sinubukan ng lalaki na makipambuno at tumakas. 

Nanindigan din si QC Task Force Disiplina head Rannie Ludovica na pumapalag, naninipa, at nagmumura ang suspek nang arestuhin ito. 

Malakas umano ang suspek kaya pinagtulungan siyang kontrolin. 

Gayunman, sinabi ni Ludovica na iniimbestigahan na ang mga sangkot na tauhan ng Barangay at Task Force Disiplina sa insidente. 

Isasailalim din aniya sila sa retraining. 

Nakakulong ngayon si Rubuia sa kasong resistance and disobedience to a person of authority. 

Kinondena ng Samahan ng mga Manggagawa ang insidente at sinabing dapat humingi ng tawad ang Task Force Disiplina sa insidente.

Dapat din anilang bigyan ng training ang mga security forces kung paano dapat tutugon sa mga lalabag sa quaranitne. 

Nangako ang lokal na pamahalaan na hindi nila ito palalampasin. 

Sa ngayon, hindi pa desidido si Rubuia kung magkakaso siya. Pero hangad na niyang makalaya. 

"Ilabas nila ako dito, ayaw ko pong makulong, di ko naman alam ano kaso ko sa kanila eh. Ako nagtatrabaho lang ako, hanggang extra extra lang ako sa sarili ko," ani Rubuia. -- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.