TINGNAN: Lockdown meals na ginawang 'mala-fine dining' ang hitsura, nag-viral

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:27 PM

Gumamit si Jadey Ezekiel Detera ng mga relief goods tulad ng sardinas, tuyo, kamote, corned beef, at itlog para gumawa ng "mala-fine dining" na putahe. Photo courtesy: Jadey Ezekiel Detera

MAYNILA - Bilang pampaaliw ngayong may lockdown, naisip ng isang netizen na lagyan ng pakulo ang mga inihahandang pagkain gamit ng mga nakukuhang relief goods at iba pang household ingredients. 

Ito ang "lockdown meals" ng Facebook user na si Jadey Ezekiel Detera kung saan gumamit siya ng mga relief goods tulad ng sardinas, tuyo, kamote, corned beef, at itlog para gumawa ng "mala-fine dining" na putahe. 

Pakana ito ng netizen na si Jadey Ezekiel Detera, na gumagawa ng "mala-gourmet" na recipe gamit ang nakukuhang relief goods na kung tawagin ay "lockdown meals." 

Ayon kay Detera, ilang araw na siyang hindi nakakalabas ng bahay kaya naghanap siya ng paraan para maaliw ang sarili. 

"It all started with one plate and a can of sardines. Wala na kasi akong ulam. So noong nag-post ako ng sardinas, maraming naaliw hanggang sa inaraw-araw ko na siya," ani Detera. 

Hindi akalain ni Detera na magva-viral ang kaniyang post. Kaya naman gumawa pa siya ng paraan para palawakin ang kaniyang menu. 

"Nakaka-overwhelm din 'yong feedbacks na natuwa sila. Na naaliw sila sa mga caption. Let's do something nice na mag-spread ng good vibes. I think that's the idea," ani Detera. 

Ayon sa nutritionist na si Fia Batua, hindi dapat kalimutan ang kalusugan ng katawan at isipan ngayong may krisis. 

“Importante na mayroon tayong enough sources ng carbohydrates, proteins and good fats. As long as kumpleto at naka focus tayo sa whole food at pagsama ng gulay, prutas sa ating mga inihahanda," ani Batua. 

Ayon naman sa psychologist na si Babes Manalo: " Ang importante dito, dapat hindi mawawala ang ating essential sense of living. Have fun habang nasa lockdown.”

Kaya ngayong may krisis, mensahe ni Detera na maging masaya. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.