PatrolPH

'Quarantine jeep' sa Baguio naghahatid ng mga residente sa pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:30 PM | Updated as of Apr 29 2020 02:31 PM

Watch more on iWantTFC

Isang tsuper mula Baguio City ang naghahatid ng mga residente papunta sa market ng lungsod gamit ang kaniyang jeep kung saan nasusunod ang physical distancing.

Ayon kay Ariel Amino, naisip niyang bawasan na ang bilang ng mga pasaherong sinasakay sa kaniyang jeep at gumamit ng plastik bilang divider para mapaghiwa-hiwalay ang mga upuan.

Ang mga opisyal ng Barangay Dontogan umano ang nakaisip ng paggamit sa mga binansagang "quarantine jeep," gaya ng kay Amino, para hindi na mahirapan ang mga taga-Baguio na maglakad ng mahahabang distansiya para lang makapamili ng pagkain at iba pang pangangailangan.

"Tinawagan po kami ng barangay para tumulong sa paghakot ng mga residente para pumunta ng market kasi nahirapan talaga sila, wala silang masakyan," ani Amino sa panayam ng radyo DZMM.

"Naisip po namin 'yon ng pamilya ko na lagyan ng harang para at least ma-maintain 'yong distance," dagdag niya.

Kung dati ay 23 tao ang kayang isakay ng jeep ni Amino, ngayon ay hanggang 11 na lang para mapanatili ang distansiya ng mga pasahero, na pag-iingat na rin laban sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Point-to-point umano ang biyahe na nagsisimula sa Barangay Dontogan hanggang sa city market, na may pasaheng P20.

"Para naman ma-subsidize 'yong driver kasi 'yong driver nangangailangan din po 'yan," ani Amino.

Aprubado din ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang paggamit sa mga jeep basta natitiyak na nasusunod ang physical distancing, ayon kay Amino.

Nasuspende ang pampublikong transportasyon sa buong Luzon mula noong Marso matapos magpatupad ang gobyerno ng enhanced community quarantine bilang pag-iingat laban sa coronavirus disease.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.