Pulis, timbog sa paggamit ng motorsiklong ebidensiya sa krimen

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 11:06 AM | Updated as of Apr 29 2020 11:20 AM

Hindi idineklara ng pulis na bahagi ng mga ebidensiya ang gamit na motorsiklo nito. Larawan mula sa PNP-IMEG

MAYNILA - Timbog ang isang pulis na gumagamit ng motorsiklo na ebidensiya sa krimen sa Marikina City.

Ayon kay Brig. Gen. Ronald Lee, director ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group, nakatanggap sila ng reklamo na ginagamit ng nasabing pulis ang motorsiklo na pagmamay-ari ng drug suspect na hinuli nila sa Marikina noong Abril 5.

Ang naturang pulis ay may ranggong patrolman at nakatalaga sa Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Watch more in iWantTFC

Sa imbestigasyon, hindi umano idineklara ng pulis ang motorsiklo bilang bahagi ng mga ebidensiya at ginamit pa sa personal na lakad.

Huli sa akto ang 43-anyos na pulis sa operasyong inilatag laban sa kaniya nitong Martes. 

Kakasuhan ang pulis ng paglabag sa anti-carnapping law at kasong administratibo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.