Pagpasa sa bar exams 'third milestone' para sa magkasintahan sa Bicol

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 05:34 PM

Sabay na nakapasa sa 2019 Bar Exams ang magkasintahang Maree Bajamunde at Bernard Importante. Larawan mula kay Maree Bajamunde

NAGA CITY - "Third milestone." Ito ang pagsasalarawang ibinigay ni Maree Bajamunde nitong Miyerkoles sa sabay na pagpasa nila ng kaniyang kasintahang si Bernard Importante sa 2019 bar exams.

“Parang third milestone namin kasi sabay kami grumaduate sa legal management sa college. Tapos, sabay din kami grumaduate ng law school. Tapos, sabay pa kami nakapasa," pahayag ni Bajamunde.

"Isa talaga siya sa inaantay namin.”

Ayon kay Importante, mas una niyang hinanap ang pangalan ng kasintahan nang lumabas na ang listahan ng mga nakapasa sa bar exams.

“Nalaman ko na lang sa classmates and friends na kasama pala ako sa passers. And, syempre ‘nung naka-connect na ako, hinanap ko yung pangalan ni Maree and pangalan ko,” kuwento ni Importante.

Sang-ayon ang kapuwa 25-anyos na magkasintahan na malaking tulong ang kanilang relasyon sa pagtupad nila ng pangarap na maging abogado at abogada.

“Kasi pag-down ako, andyan siya mag-e-encourage. Pag-down naman siya, ako naman ang nangungulit. Pero may time na masyado na akong mareklamo, so naistorbo siya sa pag-aaral niya. Pero at least na-address namin mga earlier parts ng review,” sabi ni Bajamunde.

Maganda rin, ayon kay Importante, na sa simula pa lang, nag-usap na sila ni Bajamunde kung paano susuportahan ang bawat isa.

“Nag-usap kami bago mag-start ang review na we will support kada isa, and open communication,” sabi niya.

Payo ni Bajamunde sa mga magkasintahan o may kasintahan na nag-aaral ng abogasiya, maging ‘matured’ at lawakan ang pag-intindi.

"Kasi nakakaselos din. Law is a very jealous mistress talaga," sabi niya.

"Talagang mag-aagawan kayo. Nag-a-adjust ka sa law, tapos dala mo pa yung relasyon. So dapat matured enough kayong dalawa.”

Sa kasalukuyan, empleyado ng Department of Agrarian Reform sa Camarines Sur si Bajamunde, habang sa Naga City Prosecution Office naman si Importante.

Hindi man sila magkasama ngayon dahil sa Enhanced Community Quarantine, sapat na ang magandang balita para ipagdiwang nila ang tagumpay ng bawat isa.