P476-K halaga ng 'shabu' nasamsam, 3 tiklo sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:32 PM

Nasa P476,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 3 kataong naaresto sa buy-bust operation sa Barangay Balangkas, Valenzuela City noong gabi ng Martes.

Nahuli ang isang mag-live-in partner at kanilang kasamahan na umano ay nagbabagsak ng ilegal na droga sa iba-ibang parte ng Metro Manila, ayon kay Police Capt. Ramon Aquiatan Jr. ng Northern Police District Drug Enforcement Unit.

Binentahan umano ng droga ng mga suspek ang isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P14,000.

Nakumpiska sa mga suspek ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 70 gramo.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.