MAYNILA - Nag-uumapaw ang kasiyahan ng mag-asawang bulag dahil sa pagbuhos ng tulong sa kanilang pamilya matapos maipalabas sa TV Patrol ang kanilang hiling na ayuda sa gitna ng pandemya dulot ng COVID-19.
"Sobrang hirap po, pero nalagpasan po," kuwento ni Ronnie Gahit.
Kapuwa masahista si Ronnie at asawa nitong si Margie na nawalan ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine.
"Nung nag-start yung lockdown may konting ipon pa sana. Noong mag-iisang buwan na, panay gastos, naubos na po yung pera kaya nag decide na akong humingi na ng tulong," sabi ni Ronnie.
Napanghinaan ang loob ng mag-asawa nang wala silang mahingan ng tulong kahit man lang bigas lalo pa't may dalawa silang anak na kailangang pakainin.
Pero laking pasalamat nila sa mga kaanak, mga kaibigan at mga kapitbahay na kahit papaano ay tinulungan silang mag-anak.
Isang linggo matapos umere ang panayam sa mag-asawa sa TV Patrol, muling nagpa-interview ang mag-asawa sa DZMM para naman ipaabot ang kanilang pasasalamat sa lahat ng nagmagandang-loob na nagpadala sa kanila ng tulong.
"Hindi na po namin sila maisa-isa kasi po ang dami po nila," ayon sa asawa ni Ronnie na si Margie.
Kahit pa hirap, bukas-loob na namahagi din ng grasyang natanggap ang pamilya sa kanilang mga kapitbahay, na anila'y tulad nilang nangangailangan din.
"Nakapag-share po kami sa mga katulad naming nangangailangan," sabi ni Margie.
Pero tiniyak nilang may ipon sila dahil hindi rin nila alam kung kailan matatapos ang krisis na ito.
"Napakaraming salamat po dahil napakalaking tulong yung ginawa nila sa amin. Dahil po sa inyo, nabuhayan po kami ng loob ulit," sabi ni Margie.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PWD, bulag na mag-asawa, ECQ Metro Manila, Metro Manila coronavirus lockdown, Tagalog news, DZMM news, COVID-19 ayuda