Mga restoran inihahanda na ang mga patakaran sa ilalim ng 'new normal'

Jorge Cariño, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 06:34 PM | Updated as of Apr 29 2020 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naghahanda na ang ilang restoran para sa "new normal" o pagbabago ng buhay dahil sa pandemic na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakatakdang matapos ang lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar pagsapit ng Mayo 15 at kasabay nito ang pagbubukas ng ilang piling establisimyento.

Ang isang restaurant owner sa Quezon City, ngayon pa lang ay naghahanda na sa radikal na pagbabagong maaaring idulot sa kaniyang negosyo ng nakaumang na "new normal."

"Malaki 'yung changes... Mahirap para sa amin, di natin in-expect na ganito kalaki 'yung magiging epekto," sabi ni Marlon Cruz, may-ari ng Marlin's Grill.

Sa panukalang batas na inihain sa House of Representatives, mas mabigat na patakaran ang babalikatin ng mga nagnenegosyo sa pagkain.

Ilan dito ang pagkakaroon ng mas maluwag na dining area at dalawang metro ang pagitan ng mga mesa.

Pinapaalis na ang menu booklet at papalitan ng disposable na klase.

Magbibigay din dapat ng alcohol wipes at touchless soap dispenser sa hugasan.

Disposable na rin dapat ang kutsara at tinidor.

Ramdam ni Cruz na masasagasaan ang negosyo niya.

"Considering my area is very limited eh. Ang seating capacity ko is only 42 eh. So pag ni-limit ko sya by 2 meters each customer, siguro baka less than 10 na lang ang kaya kong i-accommodate," aniya.

Ilan sa pinaplantsa niya ang pagpapatibay sa kaniyang online at delivery operation.

"Siguro more of concentration thru online, ordering, delivery, yun na kasi nakikita kong pinakamabilis at pinaka-effective eh. So far. Pero when it comes to going back to normal operation, palagay ko mahihirapan."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.