Maraming kolehiyo, unibersidad magsisimula ng klase sa Agosto: CHED

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 03:05 PM

Karamihan umano sa mga higher educational institutions (HEI) sa bansa ang magbubukas sa Agosto, ayon sa pinuno ng Commission on Higher Education, pero gagamit na sila ng "flexible learning methods" sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ilalim ng flexible learning methods, isasalang ang mga uri ng klase depende sa kakayahan ng mga guro at estudyante: sa mga walang access sa teknolohiya, sa mga may limitadong access at sa mga mayroong sapat na device at internet para matuto sa mga online class. 

"Hindi lahat online, di lahat residential. Flexible- a combination of online and offline activities," ani CHED chair Prospero De Vera sa panayam sa ABS-CBN News. 

Ibig sabihin, maaaring gawing online ang klase para sa mga may access sa internet. Pero kung limitado naman o kaya walang internet access ang estudyante, maaaring magbigay ng
take home materials, mga takdang-aralin, at mga homework at lecture sa pamamagitan ng university radios. 

Paliwanag pa ni De Vera, ito ay dahil nagawa na ang "flexible" learning methods nang pumutok ang krisis sa coronavirus at napilitang mag-lockdown ang ilang parte ng bansa. 

"The assumption is that when you open it would be residential or face to face. And what we are saying is many universities adopted flexible learning before ECQ. Many have adopted flexible during ECQ and many are adopting flexible learning in preparation of opening of classes. So when classes open its not classroom type anymore. So fear of resurgence of cases may not necessarily happen," ani De Vera. 

Dahil sa enhanced community quarantine, kinailangang magsagawa ng online classes ang ilang unibersidad at paaralan para makahabol sa pag-aaral ngayong may banta ng coronavirus. 

Pero may iilang unibersidad gaya ng Ateneo De Manila University at ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na magsasagawa ng "mass promotion" o kaya ipasa ang kanilang mga estudyante para sa nalalabing bahagi ng academic year. 

Posible rin aniyang magbukas ang ilan pang unibersidad sa Setyembre o mas matagal pa depende sa kondisyon at kakayahan nilang magsagawa ng klase. 

Maaaring simulan ang mga klase nang higit mas matagal pa sa Agosto, ayon kay De Vera dahil hindi naman sakop ng academic calendar na minamandato ng Republic Act 7977 ang mga kolehiyo o kaya mga unibersidad. 

"The academic calendar as approved by CHED do not follow the June requirement. The legal issue as far as the commission is concerned, we leave that to the justice department to study and for congress to act on it but our position is, the legal gray areas have to be analyzed on whether CHED actually touched by RA 7977," ani De Vera. 

Para naman sa Polytechnic University of the Philippines, maaaring kailangang gumamit ng courier services, ayon sa pangulo nilang si Manuel Muhi. 

"Halos lahat ng faculty members namin pinagpe-prepare namin ng mga modules tapos ito 'yung ia-upload sa SIS, o student information system, 'yung iba naman po puwedeng other platforms ang gagamitin. 'Yung ibang estudyante... Ibigay ang modules sa bahay at i-submit ang mga requirement sa professor, puwedeng ipa-LBC ng mga bata. Yun ang pinaka-alternative ng mga bata”, says PUP President Dr. Manuel Muhi.

Sa ngayon, inihahanda pa lang ng Department of Education at ng CHED ang kanilang mga rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force, na siyang ipe-presenta sa Mayo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.