Lolong gumaling sa COVID-19, may panawagan para sa mga medical frontliner

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 12:55 AM

BATANGAS CITY - Tila artistang sinalubong ng mga residente ng Barangay Sta. Clara, Batangas City ang 69 taong gulang na si Jesus Aguado.

Siya si Patient Number 13 ng lungsod at noong Sabado, tuluyan na siyang lumabas mula sa Batangas Medical Center matapos mag-negatibo na siya sa COVID-19, batay sa kaniyang huling swab test.

Sumasailalim siya ngayon sa dagdag na 14-day quarantine, pero hindi pa rin umano malinaw sa kaniya kung paano siya dinapuan ng sakit, lalo’t bahay at puwesto sa palengke lang ang pinupuntahan niya.

“Kadumi-dumi ng paligid ng tindahan ko, kabaho-baho, tapos yung likod ko karnehan sinasabi ko na ang totoo nang makarating sa kanila," aniya.

“Possible sa pera, sa hinahawakan ng costumer na hinawakan niya or may bumahing sa harap niya, naabsorb ng katawan niya madami pong possibilities pero hindi po sure kung saan niya nakuha," dagdag ng apong si Nicole Sanvictores.

Marso 30 nang lagnatin si Jesus kaya inilayo sa kaniya ng mga apo ang asawang si Felisa, 71 anyos.

Nawala ang lagnat niya kinabukasan pero nagpa-check up pa rin.
Kahit walang ubo, may pulmonya siya sabi ng doktor kaya kinunan ng swab samples.

Sa ika-apat na araw sa ospital, sinabihan siya ng doktor na positibo siya sa COVID-19.

Bukod sa sarili, nag-alala umano si Jesus sa kalagayan ng asawa na kinunan rin ng swab samples pero nag-negatibo ang resulta.

Alalang-alala rin si Felisa sa asawa niya, kaya kahit halos wala nang makain dahil naka-strict home quarantine ay gumawa siya ng paraan na mahatiran ng prutas ang asawa.

Binayaran niya ng P100 kada hatid ang isang kapitbahay.

“Hindi man ako makakain ng prutas basta siya makakain kahit isang klase laang kahit isang orange lang kako’y malaking kagamutan na iyon para sa iyo," ani Felisa.

Dahil sa kaniyang karanasan, nakita umano ni Jesus ang sakripisyo ng medical frontliners, at sana umano ay masuklian ng pamahalaan ang kanilang dedikasyon.

“Sana’y pagpalain kayo...ipagdadasal po namin kayo, kailangang kailangan kayo sa panahon ngayon... Sa ating pamahalaan sana naman ngayon ang ating mga doktora o doktor, nars sana naman ay bigyan natin ng kaunting talagang biyaya para matugunan naman yung kanilang paglilingkod, talagang napakadelikado," aniya.

Ang asawa’t apo niya, nakiusap sa mga hinahanap ng contact tracing team na makipagtulungan para hindi na makahawa pa ng iba.

“Hindi na kami nag-antay na tatanungin kung sino mga nakausap talagang tumawag po kami sa city health sinabi namin kung sino mga naka-contact nung tatay, lahat po yan pina-quarantine, lahat kami may certification...nakita nila na responsible talaga kami na ayaw na ayaw namin na may mahawa na kahit na sino," ani Sanvictores.

“Areng naranasan kong are, wag na sana ninyong mararanasan, napakasakit, napakabigat hindi ko na alam ang aking panlasa," ani Felisa.

Nasaktan sa diskriminasyon hanggang sa social media, pero napatawad na raw nila ang mga taong humusga sa kanila.

Nais ni Jesus na ibahagi ang natanggap na biyaya, kaya namahagi ng bigas sa mga kabarangay na ipinagdasal ang kaligtasan niya at kaniyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.