Kaso ng COVID-19, naitala sa Daanbantayan sa Cebu

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 10:49 PM

Isang 58 anyos na dialysis patient ang pinakaunang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Daanbantayan, Cebu.

Ayon kay Daanbantayan Mayor Sun Shimura, ang lalaking COVID-19 patient ay residente ng Barangay Lanao na madalas bumiyahe papuntang Cebu City upang magpa-dialysis.

Isinugod sa ospital sa Cebu City ang lalaki noong Sabado, Abril 25 pero hindi na ito umabot nang buhay sa ospital.

Agad nagsagawa ng contact tracing ang lokal na pamahalaan sa mga nakasalamuha ng pasyente. Naka-isolate na rin ang pamilya at medical personnel na nag-assist sa pasyente.

Samantala, naka-isolate na rin at sasailalim sa swab test ang pamilya at mga taong nakasalamuha ng 35 anyos na lalaking nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Bantayan.

Stable ang kondisyon ng pasyente na kasalukuyang ginagamot sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Hindi pa matukoy ng lokal na pamahalaan kung saan nakuha ng pasyente ang virus gayong wala naman siyang history ng travel sa metro Cebu bago pa man ang enhanced community quarantine sa Cebu.

Mas pinahigpit na ng lokal na pamahalaan ng Bantayan ang pagbabantay sa kanilang borders, maging ang istriktong pagpapatupad ng stay at home policy at pagsusuot ng face masks.

Umabot na sa 8,212 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas. Mayroon na ring 558 na namatay dahil sa sakit, habang 1,023 naman ang gumaling na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.