PatrolPH

'John Covid', ipinangalan sa batang 'biyaya sa gitna ng krisis' sa Negros Occ.

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 06:19 PM

'John Covid', ipinangalan sa batang 'biyaya sa gitna ng krisis' sa Negros Occ. 1
Isang sanggol ang pinangalanang "John Covid" dahil para mga magulang nito, biyaya siya sa gitna ng krisis ng COVID-19 sa bansa. Courtesy of Patrolman Jose Roquero Castillon

Dahil para sa kaniyang magulang, siya ay biyaya sa gitna ng krisis ng COVID-19 sa bansa, pinangalang "John Covid" ang isang sanggol na ipinanganak nitong buwan sa probinsya ng Negros Occidental.

Isinilang si John Covid noong Abril 8 sa bayan ng Valladolid bilang pangalawang anak nina Jose Roquero Castillon, isang pulis, at Jemma Castillon, isang guro.

Ayon sa mag-asawa, sa gitna ng hamon at hirap dulot ng pandemic, isang paalala ang pagkakapanganak kay John Covid na may positibo ring pangyayari sa buhay.

Ang "John," anila, ay isang biblical name na nangangahulugang mapagkumbaba at biyaya ng Panginoon. Kaya, ang "John Covid" para sa kanila ay paalala na sa gitna ng krisis, hindi nawawala ang biyaya ng Panginoon.

Hindi naman ipinagkakaila ng mag-asawa ng may mga nagsasabi ng negatibo tungkol sa pangalan ng kanilang pangalawang anak. Pero, hinahayaan lang nila ito.

Umaasa ang mag-asawa na magiging mapagkumbaba si John Covid sa kaniyang paglaki at maging biyaya sa mga taong kaniyang makasasalamuha.

Ang COVID ay ang sakit na coronavirus disease 2019 na nagmula sa Tsina at kumalat sa mahigit 200 ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.

Pinaniniwalaang ang virus na sanhi nito ay nanggaling sa isang hayop.

Lagpas 8,200 na ang nagkasakit ng COVID-19 sa Pilipinas, bagama't mahigit 1,000 sa kanila ay gumaling na, samantalang mahigit 500 naman ang namatay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.