Ina idinaing ang pagtrato sa yumaong anak bilang COVID-19 patient

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 02:22 PM | Updated as of Apr 29 2020 09:23 PM

Naghihinagpis si Jill Palarca sa pagkamatay ng kaniyang 7 buwang gulang na sanggol na tinrato umano bilang pasyente ng coronavirus disease kahit hindi na-expose sa sino mang positibo sa sakit. Courtesy: Jill Palarca

Kung dati ay masayang nakakantahan ni Jill Palarca ang kaniyang 7 buwang gulang na anak na si Lyanna, noong kamakailan sa sementeryo na niya kinantahan ang sanggol matapos pumanaw dahil sa cardiac arrest.

Ayon kay Jill, na taga-Davao City, may congenital diaphragmatic hernia si Lyanna, kung saan umakyat ang internal organs nito sa dibdib at isang baga lang ang gumagana.

Watch more in iWantTFC

Dahil dito, pangkaraniwan ang magkasakit si Lyann ng pulmonya.

Nagsimula umano ang bangungot nina Jill nang sabihan sila ng ospital na kailangang ilipat si Baby Lyanna sa pampublikong ospital na nag-aasikaso sa mga pasyenteng may COVID-19.

"Immediately nag-panic ako kasi hindi namin familiar ang facilities doon. Alam niyo naman, si Lyanna, kailangan ng certain kind of ventilators," ani Jill sa panayam ng ABS-CBN News.

"I was saying, 'Can you really honestly say na COVID patient ito? Baka naman may leeway?'" dagdag niya.

Hind na natabihan at naalagaan ni Jill ang anak mula nang dalhin ito sa pampublikong ospital.

"I really believe na hindi siya nabigyan ng right care. bigla na lang siyang ni label as COVID. I don’t even know if she was put on a proper ventilator," aniya.

Pumanaw si Lyanna noong gabi ng Abril 22.

Ang pinakamasakit, ayon kay Jill, ay hindi na niya nakita ang anak sa huling pagkakataon.

"I didn't get to see her, I didn’t get to hold her. My husband and I, we waited to 12 years to have this baby," aniya.

"I can’t imagine na heartlessness of it na ihihiwalay mo 'yong anak mo just because of a suspicion and protocol," dagdag ni Jill.

Pero ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan ang labis na pag-iingat dahil kumpirmado ang community transmission sa Davao.

"Kailangan natin sundin ang mga protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID," sabi ni Vergeire.

"Standard protocol din po na limitahan ang contact ng isang pasyente at ng kanyang bantay o bisita sa loob ng isang ICU (intensive care unit) upang maiwasan ang pagkahawa ng mga pasyenteng maseselan ang kalagayan," ani Vergeire.

Naniniwala rin ang Department of Health na sapat ang ibinigay na atensiyong medikal kay Lyanna.

Pero hindi umano ito matanggap ni Jill lalo at lumabas sa resulta ng COVID-19 test na ang pinakamamahal niyang anak ay negatibo naman sa sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.