'Halos mag-break down ako': Palaweña nagulat nang mag-top 5 sa 2019 Bar exams

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 06:09 PM

MAYNILA—Sa inilabas na resulta ng Bar exams nitong Miyerkoles, isa sa mga namayagpag si Jocelyn Bajar Fabello, na ika-5 sa may pinakamataas na marka sa 2,103 passers. 

Ayon kay Fabello, hindi niya inasahang mapapabilang siya sa topnotchers dahil dasal lang daw niya ay pumasa sa pagsusulit. 

"Halos mag-break down ako, talagang sobrang surprised. Kasi ang prayer ko talaga is to pass the bar, iyon lang. So nu'ng top 5, talagang naiyak 'yung buong family dahil it's so unexpected for us," kuwento niya. 
 
Sabi pa ni Fabello, wala sa isip niya ang maging top 5 lalo't pasang awa lang umano siya sa mock bars. 

"Ako, never ako nag-top sa mock bar. Tapos saktong maka-75 lang ako sa mga mock bars," aniya. 
 
Labis din ang tuwa ni Fabello dahil siya ang kauna-unahang topnotcher ng Palawan State University School of Law.

"It’s the same feeling as what we have when we got 100 percent passing in 2016. In 2016, we got 100 passing, so the feeling is the same. We have bar topnotcher now," ani Perry Pe, dean ng PSU Law. 

Ngayong panunumpa na lang ang kulang bago siya maging ganap na abogado, sinabi ni Fabello na plano pa rin niyang manatili sa Palawan at doon maglingkod. 

"Talagang sa Palawan ako magse-stay. Kasi nag-decide ako noon na dito ko gusto. Napakaganda ng ating province and kasi dito ko na rin gustong mag-family," sabi niya. 

Nasungkit ng 5 babaeng examinees ang 5 pinakamatataas na marka sa Bar exams, sa pangunguna ni Mae Diane Azores ng Legazpi City, Albay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.