PatrolPH

'e-Palengke' sa Antipolo inilunsad para matulungan mga nawalan ng trabaho sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 04:42 PM | Updated as of Apr 29 2020 06:54 PM

'e-Palengke' sa Antipolo inilunsad para matulungan mga nawalan ng trabaho sa lockdown 1
Nire-repack ang mga bilihin sa E-palengke ng Antipolo bago ipadala ang mga ito sa mga namili. Pawang mga nawalan ng trabaho dahil sa lockdown ang mga nagre-repack at nagseserbisyo rito. ABS-CBN News

Pansamantalang nabigyan ng hanapbuhay ang ilang manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine matapos maglunsad ang lokal na pamahalaan ng Antipolo ng e-Palengke o online palengke. 

Layon ng online palengke na mabawasan ang paglabas ng bahay
ng mga residente at mas maipatupad ang physical distancing. 

"One way of encouraging them to stay home is dalhin sa kanilang doorstep ang kanilang pangangailangan," ayon kay Jun Ynares, public informations officer ng Antipolo City. 

Watch more on iWantTFC

Para umorder, bisitahin ang Facebook page ng Antipolo e-Palengke. Dito makikita ang listahan at presyo ng mga bilihin. Kapag nakapili na, i-chat lamang ang nasabing page.

 

Kailangan ding magbigay ng contact number, address, at isang valid ID ang mga bibili. Kapag kumpirmado na ang order, ide-deliver ang order kinabukasan. 

Cash on delivery ang bayad. Ibig sabihin, babayaran ang mga pinamili kapag nakarating na ito sa drop-off point. 

Sagot na ng lokal na pamahalaan ang service o delivery fee, ayon kay Ynares. 

Isa rin sa mga natulungan ay si Niña Gupit, isang single parent na nasaraduhan ng negosyo dala ng enhanced community quarantine. 

Solo parent si Gupit at may apat na anak kaya aniya'y malaking bagay ang nabigyan siya ng trabaho. 

"Sinisiguro namin na sariwa ang mga product at paninda. Tinitimbang namin kung tama ba bago ipasa sa receiving area," ani Gupit. 

Mga tricycle driver naman ang kinuha ng lokal na pamahalaan bilang mga magde-deliver ng mga bilihin. Araw-araw din silang binibigyan ng suweldo at pang-gas.

Malaking tulong ito kay Reggie Rectra, na breadwinner ng pamilya.

"Kailangan namin din ng income kasi ang ayuda ay hindi naman talaga sasapat sa araw-araw namin, kaya maganda po itong proyekto," ani Rectra. 

Malaking ginhawa rin ang “door-to-door” service ng e-Palengke
sa mga mamimili, gaya ni Kaye Honoras. 

“Initially, ang normal na pamamalengke namin every two weeks. However, nung nagka-ECQ, we kept it like that, kasi ang hirap mamalengke kasi ang haba ng pila at sobrang vulnerable ng mga tao," ani Honoras.

Bukod sa e-Palengke, tuluy-tuloy din ang pag-iikot ng mga mobile palengke sa Antipolo.

Balak din ng lokal na pamahalaan na maglunsad ng online o E-Botika. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.