'Di lang COVID-19': ECQ napigilan din ang pagkalat ng ASF, ayon sa DA

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 05:52 PM | Updated as of Apr 29 2020 06:11 PM

MAYNILA — Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na nakatulong din ang enhanced community quarantine (ECQ) para mapigilan ang pagkalat ng African swine fever (ASF). 

"Malaki pa rin 'yung problema at mabuti na meron itong ECQ nangyari, kasi hindi na nagnenegosyo 'yung mga hog traders na nilalabas pa at ibinebenta 'yung mga infected na [baboy]," ani Dar sa isang virtual press conference. 

Ipinatutupad ang lockdown sa maraming bahagi ng bansa kontra sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Gayunman, sinabi ni Dar na nananatili pa rin ang problema ng ASF. 

"Pero almost nandiyan pa, apektado pa rin ang hog industry."

Posible rin daw bumagsak ang suplay ng baboy sa katapusan ng taon dahil maraming magbababoy ang lumipat sa poultry business. 

Sa outlook ng DA, mabibitin ang suplay ng baboy nang 85,000 metric tons o katumbas ng higit 30 araw na suplay sa pagtatapos ng 2020.

"Malaki pa rin ang problema natin sa ASF. Ang nakikita natin by the end of the year, meron tayong kakulangan na about 33 days sa pork," sabi ni Dar. 

Stable pa naman aniya ang presyo sa ngayon ng baboy at sapat pa ang suplay habang umiiral ang enhanced community quarantine sa maraming lugar sa bansa. 

Noong 2019 ay nasapul ng ASF ang industriya ng pagbababoy. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.