Bar topnotcher mula Bacolod City, inalala ang mga pinagdaanan bago ang pagsusulit

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 05:22 PM | Updated as of Apr 29 2020 06:11 PM

Pag-aalala, sakit, duda. 

Naging puno ng hamon ang naging paghahanda sa 2019 Bar exams ng 32 anyos na si Bebelan Madera ng Bacolod City, ang 10th placer sa pagsusulit na inilabas ang resulta nitong Miyerkoles.

Ramdam ni Madera ang pressure sa kaniyang pag-review para sa 2019 bar exams. Nagkasakit pa siya ng ilang beses.

"I've been through a lot during several months I have been taking a lot of antibiotics and painkillers because I had pneumonia, tooth problem and during the Bar exam I had carpal tunnel syndrome," ayon kay Madera. 

"Actually there are a lot of worries in my mind and self-doubt but actually God sustained me all throughout these struggles. He pushed me to finish the battle," sabi ni Madera.

Ang tanging hiling niya sa Panginoon ay ang pumasa siya sa Bar at maging isang ganap na abogado. Hindi niya inakala na magiging 10th placer siya sa pagsusulit, isa sa pinakamahirap na licensure test sa bansa. 

Nagtapos sa College of Law ng University of St. La Salle si Madera, kung saan faculty member din siya sa College of Business and Accountancy.

Noong 2017, topnotcher din sa Bar exam ang Lasallian student na taga-Bacolod na si Mark Simondo.

Miyerkoles inilabas ng Korte Suprema ang listahan ng mga pumasa sa 2019 Bar exams, kung saan 2,103 o 27.36 porsiyento sa 7,685 examinees ang nalampasan ang pagsusulit.

- ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.