'Akala ko oras ko na': 67 anyos na pulmonologist idinetalye ang laban kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:02 PM | Updated as of Apr 29 2020 01:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kahit pa man itinuturing na "high risk" na pasyente sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), nalagpasan ng isang 67 anyos na pulmonologist mula sa Philippine Heart Center (PHC) ang sakit. 

Sa panayam sa DZMM, idinetalye ng doktor na si Fernando Ayuyao ang kaniyang naging karanasan. Paniwala niya, nahawa siya sa isang pasyenteng namatay sa COVID-19 sa ospital kung saan siya nagtatrabaho.. 

"May pasyente ako na nag-positive sa COVID-19, 'yun ang unang namatay sa PHC, una medyo nag-suspect kaya lang ayaw namin masyadong ma-broadcast pero naghihintay kami ng resulta. Nung dumating ang resulta, that is the day na namatay siya," ani Ayuyao. 

Dahil dito, agad siyang nagpasailalim sa self-quarantine sa bahay at nagpa-test para sa coronavirus. Pero kalaunan, inabisuhan siyang magpa-ospital. 

Pagkatapos ng 7 hanggang 8 araw sa self-quarantine, nakaranas na siya ng mga malubhang sintomas ng COVID-19, dahilan para ilagay sa intensive care unit ng ospital. 

"On that day sumama na, dire-diretso ang oxygen ko bumaba, ang skin ko nag-iiba, nakita may pneumonia na," ani Ayuyao. 

Nakiusap umano si Ayuyao na huwag nang magpa-intubate. Sa halip, siniguro niyang tama ang nakukuha niyang oxygen sa pamamagitan ng tamang pagposisyon sa sarili habang naka-confine. 

"Kasi katabi ko na ang ventilator, lalagyan na ako ng tubo sa bibig. Being a pulmonologist, 'yong tinuturo namin 'yung lateral tapos dumadapa ako na hindi ko ginagawang matulog. Ako dumapa, pinili ko kasi 'yon ang tinuturo namin," ani Ayuyao. 

Ani Ayuyao, na isang diabetic at may hypertension, alam niyang may tsansang mamatay siya sa sakit, pero desidido siyang lumaban. 

"Nakita ko talaga 'yung oxygen ko, I made sure that it is above na mabubuhay ako. Tanggap ko na na mataas ang risk factor ko, I won’t just take it sitting down, I have to fight. Hindi tayo magpapatalo kung kaya pa. Lalaban ako hindi ako basta bibigay. Tsaka gusto ko makita ang family ko na makapagpaalam ako," ani Ayuyao. 

At kapag aniya binigyan ng pagkakataon na bumalik bilang frontliner sa krisis, hindi aniya siya mag-aatubiling magbalik-serbisyo para magsilbi sa gitna ng banta ng coronavirus. 

"Kung pagbibigyan nila ako, wala akong problema, 'yung mismong mga doktor ko walang problema," ani Ayuyao. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.