5 babae pinangunahan ang 2,103 pumasa sa 2019 Bar exams

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 02:44 PM

Mga babae ang namayagpag sa listahan ng mga nanguna sa 2019 Bar exams.

MAYNILA — Inilabas na ng Korte Suprema nitong Miyerkoles ang listahan ng mga pumasa sa 2019 Bar exams, at sa 2,103 na ito ay nanguna sa top 5 ang mga kababaihan.

Nasungkit ng 5 babaeng examinees ang 5 pinakamatataas na marka sa Bar exams:

1. AZORES, Mae Diane M. – University of Santo Tomas-Legazpi
2. PARAHIMAN, Princess Fatima T. – University of the East
3. BARANDA, Myra M. - University of Santo Tomas-Legazpi
4. BANDIOLA, Dawna Fya O. – San Beda College-Alabang
5. FABELLO, Jocelyn B. – Palawan State University

Ayon sa topnotcher na si Azores, pinagdasal niyang mapabilang sa top 10 pero hinid niya inakala na siya ang makakakuha ng pinakamataas na marka.

"Sinabi ko kay Lord, 'Lord kahit top 8 lang Lord.' Kasi may naniwala ring professor tsaka mga kaibigan na kaya mo 'yan. Ako naman nag-aral naman ako nang mabuti," aniya.

Payo ni Azores, patuloy na mangarap at magtiwala sa Diyos.

"We can always dream bigger. Kung iisipin talaga natin, kung kaya talaga, kaya talaga siya. Tiwala lang sa Diyos. Dasal lang talaga," sabi niya.

Ayon sa Supreme Court (SC), 2,103 o 27.36 porsiyento sa 7,685 ang pumasa sa pagsusulit para maging abogado.

Ginanap sa University of Santo Tomas noong mga Linggo ng Nobyembre 2019 ang Bar exams.

Si SC Associate Justice Estela Perlas-Bernabe ang nagsilbing pinuno ng 2019 Bar Examinations Committee.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.