2 pulis patay sa pananambang sa South Cotabato

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 09:33 PM

POLOMOLOK, South Cotabato - Patay ang dalawang pulis ng Polomolok Municipal Police Station nang tambangan habang nagpapatrolya sa bayan.

Alas-2:15 ng hapon nitong Miyerkoles nang pagbabarilin sila ng 7 armadong lalaki sa Purok 3-B sa Barangay Koronadal Proper.

Ayon kay Police Maj. Alex Orcajada, hepe ng pulisya sa bayan, 4 na mga pulis ang hinarang pero napuruhan sina Patrolman Bryan Costello at Police Cpl. Witzel Russ Betantos na magka-angkas sa motorsiklo.

Nakaganti pa umano ng putok ang dalawang pulis sa kabilang motorsiklo at nakatawag pa ng back-up sa estasyon pero agad namang tumakas ang mga suspek patungo umano sa Purok Matlong.

Naisugod pa sa ospital ang dalawang pulis pero idineklara na silang dead on arrival.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Polomolok Police, Nilong Group ang itinuturo nilang nasa likod ng ambush.

Ito ay may kinalaman pa rin sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na hinawakan umano ng estasyon.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya para mahuli ang mga nasa likod ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.