13-anyos hinambalos umano ng yantok ng pulis dahil sa 'paglabag' sa quarantine

Kori Quintos, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hanggang ngayon ay may nararamdaman pang sakit sa likod ang 13-anyos binatilyo sa Quezon City matapos daw siyang paluin sa likod ng isang pulis noong Martes dahil sa umano'y paglabag niya sa quarantine protocol.

Nangyari daw ang pagpalo sa Liwanag street, Barangay Old Balara, Quezon City pasado alas-2 ng hapon ng Martes. 

Nakuhanan ng video ng isang Bayan Patroller ang pagtatalo ng nanay at pulis na umano'y nanakit. 

Sa video na ipinakita sa ABS-CBN News, kita ang pagwawala sa galit ng nanay ng biktimang si alyas "Aldrin" nang sugurin ang pulis na aniya'y humambalos ng yantok sa kaniyang anak. 

Kuwento ni alyas "Marissa," inutusan niyang bumili ang anak sa tindahan at nagulat na lang nang may marinig na nagtatakbuhan sa kanilang lugar. 

Aminado si Marissa na alam naman niyang hindi puwedeng lumabas ang mga residente noong oras na 'yun.

Tama naman aniyang pagsabihan o pagalitan pero wala dapat pisikalan. 

"Mainit daw ang ulo at pagod pero sana hindi sinaktan ang bata." 

Itinanggi naman ng pulisya na nanakit ang isa nilang tauhan. 

Nagpasya sina Marissa na huwag nang maghabla laban sa pulis matapos magkasundo na lang sila na sasagutin ng pulis ang gastos sa lahat ng check up at gamot ng bata. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.