11 medical frontliners sa Quezon City, gumaling na sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 06:46 PM | Updated as of Apr 29 2020 09:54 PM

MAYNILA - Labing-isang mga medical frontliners mula sa iba’t ibang ospital sa Quezon City na naka-recover sa COVID-19 ang binigyan ng send-off ceremony sa Hope Facility sa Fersal Hotel sa siyudad Miyerkoles.

Ito ang itinalagang isolation facility ng pamahalaan ng Quezon City para maalagaan ang mga medical frontliners na nagpositibo sa virus, kabilang ang 4 na doktor at 7 nurse. 

Ayon kay Dra. Amelita Gozun, coordinator ng Hope Facility, dumaan sa pag-aalaga ang mga medical frontliners.

“Ito 'yung send off namin sa kanila na ngayon ay magaling na sila sa kanilang dating pagiging COVID-19 positive. There’s hope after being COVID-19 positive," ani Gozun.

Nagkaroon ng send-off ceremony para sa mga medical frontliners na gumaling sa COVID-19. Abner Mercado, ABS-CBN News

Isa-isang binigyan ng certificate at medical clearance ang mga medical frontliners bilang patunay na negatibo na sila sa COVID-19.

“Nagpapasalamat ako sa Hope at hindi nila kami pinabayaan. Noong una natatakot ako pero nilakasan ko ang loob ko para sa pamilya ko,” pahayag ni "Larry", isa sa pitong nurse na nabigyan na ng clearance.

Abril 11 nang mapasok sa Hope Facility si Larry at ngayon, gayon na lang ang kaniyang tuwa sa pagiging COVID-19 negative. 

“Maski ang pamilya ko pina-COVID-19 test ko din sakaling baka sila ay nahawa sa akin, mabuti naman at negative sila, nagpapasalamat ako sa Diyos," dagdag pa niya.

Si "Kelly," isa ring nurse, sa pamilya din humugot ng lakas sa kaniyang pinagdaanan.

“Inalala ko talaga ang magulang ko, alam ko nag-alala sila para sa akin, hindi na ako nakapagpakita sa kanila, nagpadala na agad ako dito sa Hope, dinala ko na lahat ng gamit ko ayoko na sila mahawa sa akin," aniya.

Nagkaroon ng send-off ceremony para sa mga medical frontliners na gumaling sa COVID-19. Abner Mercado, ABS-CBN News

Nakiisa din sa simpleng seremonya ang director ng Quezon City General Hospital na si Dra. Josephine Sabando at binati ang mga medical frontliners.

“Congratulations sa inyo at ngayon babalik kayo sa hamon ng medical challenge para tumulong muli sa mga pasyente ng COVID-19. Malaking pasalamat din tayo sa Quezon City government sa kanilang suporta sa programang ito," pahayag ni Sabando sa idinaos na seremonya. 

Dadaan pa sa panibagong quarantine ang mga medical frontliners bago tuluyang makabalik sa kanilang trabaho. Tumanggap din ng grocery pack ang mga ito mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Ito na ang ikaapat na grupo ng mga medical frontliners na binigyan ng “graduation” o send-off ceremony sa Hope Facility matapos magnegatibo sa COVID-19.

Sa kabuuan, 1,552 mga health workers na sa bansa ang nahawa sa coronavirus disease, ayon sa Department of Health nitong Miyerkoles. Nasa 232 sa kanila ang naka-recover na sa sakit.