Lalaki timbog sa tangkang pagpuslit ng droga sa piitan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2019 04:58 PM

Naaresto noong Linggo ang isang lalaki dahil sa umano ay tangkang pagpuslit ng ilegal na droga sa loob ng piitan sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ng Sampaloc police ang suspek bilang si Allan Aragona, 28 anyos, na dati ring nadetene sa nasabing istasyon.

Nahuli bandang alas-5:30 ng hapon si Aragona na may isang sachet ng hinihinalang shabu nang kapkapan siya habang papasok sa custodial facility ng Sampaloc Police Station, ayon sa ulat ng pulisya.

Inamin ni Aragona na naglalako siya ng droga sa mga inmate ng nasabing kulungan.

Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.