Higit 50 residente hindi pinapasok sa Boracay dahil lagpas na sa oras

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 09:50 PM

MALAY, Aklan - Higit 50 residente ng Boracay ang hinarang sa entry point ng Caticlan Jetty Port dahil lagpas na umano sila sa oras ng pagpasok sa isla, Linggo ng gabi. 

Sa ipinalabas na guidelines ng inter-agency task force tanging mga residente lang ng Boracay na may hawak na resident ID ang makakapasok hanggang alas-10 ng gabi.

Pero workers ID ang hawak ng mga residente na hinarang ngayong gabi. Ayon sa guidelines, mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi lamang puwede sa isla ang may ganitong ID.

"Hindi naman nila sinabi kaagad na 'pag lagpas ng alas-6 ng gabi, hindi na kami makakapasok," giit ng isa sa mga hinarang na residente. 

Reklamo naman ng iba, hindi rin makapasok ang mga residente na kulay berde ang background ng kanilang ID. Dapat daw kasi kulay asul ang background ng ID para sa mga residente.

Apela ng mga ito sana bigyan muna sila ng konsiderasyon dahil hindi nila alam ang patakaran.

Giit naman ng mga nakabantay na mga guwardiya at pulis, kailangang sundin ang guidelines at walang ibibigay na konsiderasyon sa mga apektadong taga-Boracay.