Fetus, mga baril nadiskubre sa bahay ng albularyo sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 03:45 PM | Updated as of Apr 29 2018 07:38 PM

RODRIGUEZ, Rizal - Nasamsam ng mga pulis ang bangkay ng 7-buwang gulang na fetus at ilang baril sa bahay ng isang albularyo sa bayan na ito, Linggo ng umaga. 

Sinalakay ng mga operatiba ang bahay ng suspek na si alyas "Tata" dahil sa mga ulat na nagtatago ito ng ilegal na baril, ayon kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng Calabarzon police. 

Agad aniya nilang nakumpiska ang isang kalibre .38 na baril, sumpak at sari-saring bala. 

Ayon naman kay Superintendent Pablito Naganag, hepe ng Rodriguez police, baril ang pinambabayad kay "Tata" ng kaniyang mga ginagamot.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngunit sa gitna ng paghahalughog, tumambad ang fetus na nasa plastic bag gayundin ang dalawang sako ng adult diaper na may dugo, forceps, at halamang "makabuhay" na ginagamit umanong pampalaglag.

Ayon sa suspek, binili niya sa kaniyang pinsan ang fetus at inuwi galing Samar.

"Ginagamit 'yan sa mabuting paraan. Halimbawa, may gagamutin ka sa malayo, babanggitin mo 'yong pangalan, babanggitin mo sa fetus," sabi sa panayam ng suspek.

Nakuha rin sa suspek ang mga retrato ng kaniyang mga pasyente na ginuhitan ng mga krus sa noo.

Ayon sa mga kapitbahay, marami umanong babae, ang iba ay estudyante pa lamang, na nagpupunta sa bahay.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms and ammunition ang suspek at maaari ring makasuhan ng abortion.

-- Ulat nina Jeff Hernaez at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.