Deployment ban sa Kuwait, mananatili; Duterte, hiniling ang pag-uwi ng OFWs

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 02:14 PM

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo na mananatili ang "deployment ban" o pagbawal sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait.

“The ban stays permanently. There will be no more recruitment, especially for domestic helpers. Wala na,” pahayag ng pangulo pagkalapag sa Davao City matapos dumalo sa ika-32 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders' Summit sa Singapore.

Binitawan ni Duterte ang pahayag matapos tanungin hinggil sa mangyayari sa memorandum of understanding (MOU) na binubuo ng Pilipinas at Kuwait na naglalayong protektahan ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa naturang bansa.

Isa ang MOU sa mga kondisyong ibinigay ni Duterte para alisin ang deployment ban sa Kuwait.

Subalit kamakailan ay nasangkot ang dalawang bansa sa isang diplomatikong alitan matapos lumutang ang video tampok ang pag-"rescue" ng ilang opisyal ng embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy household service workers sa Kuwait.

Ayon sa Kuwait, nilabag ng embahada ang kanilang batas sa nangyaring "rescue." Dahil dito, pinalayas nila si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa at pinabalik ang kanilang envoy rito sa bansa.

Hiniling din ng pangulo sa daan libong OFW sa Kuwait na umuwi ng bansa at nangakong bibigyan sila ng ayuda ng gobyerno.

"For Filipino household service workers, if your Kuwaiti employers want you to leave, then please come home. Your government will do its best to help you return," sabi ni Duterte.

Nilinaw naman ng pangulo na wala siyang sama ng loob sa gobyerno ng Kuwait sa pang-aabusong nararanasan ng ilang Pinoy mula sa kanilang mga dayuhang amo.

“For Filipino professionals who may wish to stay in Kuwait, there’s no problem," aniya.

Bago nito, una nang umapela noong Sabado si Duterte sa 260,000 Pinoy sa Kuwait na umuwi.

“I now appeal to your sense of patriotism. Come home. Tutal marami nang trabaho sa Pilipinas,” sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa Singapore.

Nito lang Pebrero nang ipagbawal ang pagpapadala sa mga bagong-hire na OFW papuntang Kuwait sa gitna ng mga report ng pang-aabuso sa mga Pinoy household service worker (HSW).

Kasabay nito, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Kalauna'y nahuli ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa unang pagdinig ng kanilang kaso, sinentensiyahan agad ang mag-asawa ng bitay.

Isa ang hustisya para kay Demafelis sa mga kondisyon noon ng Pilipinas bago ikonsidera ang partial lifting ng total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait. -- Ulat nina Dharel Placido at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.