4 nalunod sa Bicol River

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 03:20 PM | Updated as of Apr 29 2018 04:09 PM

LIBMANAN, Camarines Sur - Nauwi sa trahedya ang swimming ng isang pamilya matapos malunod ang 3 sa kanila at isang kapitbahay sa bahagi ng Bicol River na sakop ng bayan ito, Sabado. 

Kabilang sa mga biktima ang padre de pamilyang si Arnel Sibuc, 44 at mga anak na sina Dyne, 12 at Aljon 10, gayundin ang kanilang 7-taong-gulang na kapitbahay na si Danica Flores. 

Nagpunta sa malalalim na bahagi ng ilog ang 3 bata, ayon sa asawa ni Sibuc na si Filipina. 

Kuwento ng ginang, sinubukan niyang puntahan ang mga bata pero pinigilan siya ng isa pang anak nang maramdaman ang biglang paglalim ng lupa sa ilalim ng ilog. 

Dito aniya siya humingi ng tulong sa asawa at lumayo para magtawag ng tulong.

Sinubukan ng mister niya na sagipin ang mga bata, pero nalunod din ito. 

Wala nang buhay ang mga biktima nang madala sa ospital. 

Ayon sa mga residente malapit sa ilog, malalim ang ilog at karamihan ng mga nalunod dito ay mga dayo. 

Payo nila sa mga nais maligo, magsama ng residente na kabisado ang ilog para makaiwas sa trahedya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.