2 sugatan sa aksidente sa motorsiklo sa Caloocan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 07:52 AM | Updated as of Apr 29 2018 08:29 AM

MANILA - Dalawa ang sugatan makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa plastic barriers sa EDSA Caloocan 

Naabutan pa ng ABS-CBN news team na nakahandusay sa kalsada ang dalawa pero may malay ang driver ng motorsiklo na nagtamo ng sugat sa binti at braso. 

Ayon naman sa kaangkas nitong babae, galing sila ng Caloocan at pauwi na sana ng Bulacan nang ma-dislocate bigla ang kaliwang balikat ng driver. Dati na raw kasi itong napilay sa braso.

Hindi na aniya maigalaw ng driver ang kanyang balikat at imbes na subukan niyang iliko sa kanan kung saang may mga truck sa tabing daan, ay ibinangga na lang nila ang motorsiklo sa plastic barrier kaya't sumemplang ang motor.

Agad naman rumesponde ang MMDA emergency response team upang lapatan ng paunang lunas ang mga nasugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.