PatrolPH

Mga labi ng yumaong PH envoy to China na si Chito Sta. Romana, dumating na sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2022 07:30 PM

Dumating na sa Maynila ang mga labi ng yumaong Philippine Ambassador to China na si Chito Sta. Romana.

Lumapag bandang alas-5 ng hapon nitong Miyerkoles sa Villamor Air Base ang eroplano ng Philippine Air Force na sumundo sa mga labi ni Sta. Romana sa China kung saan siya pumanaw noong April 18.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, pumanaw si Sta. Romana dahil sa karamdaman.

Isinagawa ang arrival honors para kay Sta. Romana at kabilang sa mga sumalubong si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. Sa maikling seremonya, inabot ang bandila ng Pilipinas sa kapatid ng Ambassador na si Neni Santa Romana-Cruz.

Nakaburol si Sta Romana sa Heritage Park sa Taguig.

Pumanaw ang ambassador noong Abril 18 sa edad na 74 sa Huangshan sa lalawigan ng Anhui sa China habang naka-quarantine sa isang hotel bago bumalik ng Beijing.

Huli niyang sinamahan si Secretary Locsin sa Anhui noong April 3 para sa isang pulong kasama si Chinese foreign minister Wang Yi.

Maituturing na eksperto sa China si Sta. Romana matapos manirahan at magtrabaho doon nang maraming taon.

Isang aktibista noong panahon ni Marcos, nasa China at hindi na nakauwi ng Pilipinas si Sta. Romana kasama ng ibang kabataan nang ideklara ang Batas Militar noong 1972.

Nagsilbi siya bilang China correspondent ng ABC ng Amerika nang mahigit dalawang dekada at naging China consultant at special envoy sa China ni dating pangulong Fidel Ramos.

Nagsilibi rin siyang presidente ng Philippine Association for Chinese Studies.

December 7, 2016 nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sta. Romana para maging ambassador ng bansa sa China. 

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.